Lunes, Abril 24, 2017

Sandata Ng Guro


SANDATA NG GURO


Papel kang itinuturing na nakasabit sa dingding,
Sa’yo inilalatag ang laman ng aralin.
Hungkag ka’t walang sulat sa kanilang pagdating,
Ngunit iiwan kang lamog at marusing.

May kasabihan ngang walang malaking nakapupuwing,
Kaya sa liit mo’y nasusukat ang iyong galing.
Ipinayayakap mo ang sarili sa dingding,
Pulbos ka nalang na ililipad ng hangin.

Talaan ka ng pangalan ng mga mag-aaral,
Tagapangalaga ka rin ng gawaing minarkahan.
Na sa’yo ang sagot kung pasado o lugmok,
Ikaw ang tagapagtanggol sa oras ng unos.

Katuwang ka sa pag-alis ng naiwang alaala,
Sa tulong mo’y walang matitirang marka.
Kaya mong hagurin lahat ng problema,
Maliban na lamang sa pusong nagdurusa.

Ang lahat ng ito’y sandata ng guro,
Mahalagang kagamitan sa pagtuturo.
Ngunit ang pinakamabisang kagamitan,
Ang maestrang nakangiti’t walang kapaguran.







Abril 22, 2017
Otel Pampanga, San Fernando
Rdn

G U R O


G U R O


G umigising nang maaga habang ang iba ay tulog pa,
Magluluto ng agahan para sa anak at asawa.
Mabilis na magliligpit pagdaka’y gayak na,
Magmamadaling, pumasok sa eskwela.

U unahing ngumiti sa mag-aaral ay babati,
Kalilimutan ang problema kahit puso’y may pighati.
‘Pagkat alam ng guro na siya’y di lamang magtuturo ng laman ng aklat na gutay-gutay,
Sa halip ay tulay ng pag-asa ng buhay.

R esponsableng totoo, sakripisyo’y todo-todo,
Handang ialay ang puso sa batang nais matuto.
Hindi man biro ang pagiging guro,
Ang bokasyon namang ito ay totoong ginto.

O ras na nauubos, sa paaralan binubuhos,
Subalit sukli nito’y di masusukat, di matutuos.
Katuparan ng pangarap ng mga batang nagsikap,
Hatid sa guro, ay ngiti sa puso.






Abril 22, 2017
Otel Pampanga, San Fernando
Rdn